Рет қаралды 1,450
TW // rape (implied)
Lahat tayo ay mayroong karapatan na maging ligtas sa sarili nating tahanan at bayan. Ngunit paano kung ang mismong taong ating pinagkakatiwalaan ang nanakit sa ating mahal sa buhay?
Sa mga nagdaang taon, marami na akong nakasalamuha na mga kabataan at kababaihan na takot magsumbong kahit napakabigat ng kanilang pinagdaraanan. Mayroon nang mga lumapit sa atin noon na humingi ng saklolo para sila ay maligtas at makakuha ng hustisya. Ngunit, alam ko na mayroon pang ibang mga natatakot na humingi ng tulong at pinipiling manahimik na lang.
Minsan, kailangan lamang natin ng makikinig sa atin, ng maniniwala sa atin, at tutulong sa atin na lumapit sa otoridad upang makamit natin ang hustisya at katahimikan.
Kaya sa mga minamahal kong Bayambangueña at Bayambangueño, nais kong ipabatid sa inyo na nandito po ako. Huwag kayong matakot lumapit sa ating kapulisan at mga tanggapan. Pakikinggan at tutulungan namin kayo.
Nandito po ako at ang buong Lokal na Pamahalaan para sa inyo.
Magtulungan tayo upang ang bayan ng Bayambang ay maging tahimik at payapa para sa bawat isa.